Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 22:3-11 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

3. Noon nama'y pumasok si Satanas kay Judas, na tinatawag na Iscariote, na kabilang sa Labindalawa.

4. Kaya't nakipagkita siya sa mga punong pari at sa mga pinuno ng bantay sa Templo upang kanilang pag-usapan kung paano niyang maipagkakanulo si Jesus.

5. Natuwa sila at nangakong babayaran si Judas ng salapi.

6. Sumang-ayon siya, at mula noo'y humanap na siya ng pagkakataong maipagkanulo si Jesus nang hindi namamalayan ng mga tao.

7. Sumapit ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa na siya namang araw ng pagpatay at paghahandog ng korderong pampaskwa.

8. Inutusan ni Jesus sina Pedro at Juan, “Lumakad na kayo at ihanda ninyo ang ating hapunang pampaskwa.”

9. “Saan po ninyo nais na maghanda kami?” tanong nila.

10. Sumagot siya, “Pumunta kayo sa lunsod. May masasalubong kayong lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na kanyang papasukan.

11. Sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinapatanong po ng Guro kung mayroon kayong silid na maaaring magamit niya at ng kanyang mga alagad para sa hapunang pampaskwa.’