Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 22:29-45 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

29. Kung paanong ang Ama ay nagbigay sa akin ng karapatang maghari, gayundin naman, ibinibigay ko sa inyo ang karapatang ito.

30. Kayo'y kakain at iinom na kasalo ko sa aking kaharian, at kayo'y uupo sa mga trono at mamumuno sa labindalawang lipi ng Israel.”

31. “Simon, Simon! Hiniling ni Satanas na subukin kayo tulad sa pag-aalis ng ipa sa mga trigo.

32. Subalit idinalangin kita upang huwag manghina ang iyong pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, patatagin mo ang iyong mga kapatid.”

33. Sumagot si Pedro, “Panginoon, handa po akong mabilanggo at mamatay na kasama ninyo!”

34. Ngunit sinabi ni Jesus, “Pedro, tandaan mo ito, bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay tatlong beses mo akong ikakaila.”

35. Pagkatapos nito, tinanong sila ni Jesus, “Nang suguin ko kayong walang dalang lalagyan ng pera, bag, o sandalyas, kinulang ba kayo ng anuman?”“Hindi po,” tugon nila.

36. Sinabi niya, “Subalit ngayon, kung kayo'y may bag o lalagyan ng pera, dalhin na ninyo. Ang sinumang walang tabak, ipagbili ang kanyang balabal at bumili ng isang tabak.

37. Sinasabi ko sa inyo, dapat mangyari sa akin ang sinasabi ng Kasulatan, ‘Ibinilang siya sa mga salarin,’ sapagkat ang nasusulat tungkol sa akin ay natutupad na.”

38. Sinabi ng mga alagad, “Panginoon, heto po ang dalawang tabak.” “Sapat na iyan!” tugon niya.

39. Gaya ng kanyang kinagawian, umalis si Jesus at nagpunta sa Bundok ng mga Olibo kasama ang mga alagad.

40. Pagdating doo'y sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso.”

41. Lumayo siya sa kanila, mga isang pukol ng bato ang layo, at doo'y lumuhod at nanalangin.

42. Sabi niya, “Ama, kung maaari po ay ilayo mo sa akin ang kopang ito, ngunit huwag ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo.” [

43. Nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas ang loob niya.

44. Dala ng matinding hinagpis, siya'y nanalangin nang lalong taimtim, at pumatak sa lupa ang kanyang pawis na parang malalaking patak ng dugo.]

45. Pagkatapos manalangin, siya'y tumayo at lumapit sa kanyang mga alagad. Naratnan niyang natutulog ang mga ito dahil sa labis na kalungkutan.