Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 22:16-24 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

16. Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako muling kakain nito hanggang sa ito'y maganap sa kaharian ng Diyos.”

17. Dumampot siya ng isang kopa, at matapos magpasalamat sa Diyos ay ibinigay iyon sa kanila, at nagsabi, “Kunin ninyo ito at paghati-hatian.

18. Sinasabi ko sa inyo, mula ngayo'y hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hangga't hindi dumarating ang kaharian ng Diyos.”

19. Dumampot din siya ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati iyon at ibinigay sa kanila. Sabi niya, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.”

20. Gayundin naman, dinampot niya ang kopa pagkatapos maghapunan at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong tipan ng Diyos na pinagtibay ng aking dugo. Ang aking dugo ay mabubuhos alang-alang sa inyo.

21. “Ngunit kasalo ko rito ang magtataksil sa akin.

22. Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa itinakda ng Diyos, ngunit kakila-kilabot ang daranasin ng taong magkakanulo sa kanya.”

23. At sila'y nagtanungan kung sino sa kanila ang gagawa ng ganoon.

24. Nagtatalu-talo pa ang mga alagad kung sino sa kanila ang kikilalaning pinakadakila.