Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 22:1-8 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Malapit nang ipagdiwang noon ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa na tinatawag ding Pista ng Paskwa.

2. Ang mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan ay naghahanap ng paraan upang mapatay nila si Jesus, ngunit nag-iingat sila dahil natatakot sila sa mga tao.

3. Noon nama'y pumasok si Satanas kay Judas, na tinatawag na Iscariote, na kabilang sa Labindalawa.

4. Kaya't nakipagkita siya sa mga punong pari at sa mga pinuno ng bantay sa Templo upang kanilang pag-usapan kung paano niyang maipagkakanulo si Jesus.

5. Natuwa sila at nangakong babayaran si Judas ng salapi.

6. Sumang-ayon siya, at mula noo'y humanap na siya ng pagkakataong maipagkanulo si Jesus nang hindi namamalayan ng mga tao.

7. Sumapit ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa na siya namang araw ng pagpatay at paghahandog ng korderong pampaskwa.

8. Inutusan ni Jesus sina Pedro at Juan, “Lumakad na kayo at ihanda ninyo ang ating hapunang pampaskwa.”