Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 20:24-34 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

24. “Iabot ninyo sa akin ang isang salaping pilak. Kanino ang larawan at ang pangalang nakatatak dito?”“Sa Emperador po,” tugon nila.

25. Sinabi naman ni Jesus, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Diyos ang para sa Diyos.”

26. Nabigo sa harap ng madla ang hangarin nilang masilo siya sa kanyang pananalita. At hindi sila nakaimik dahil sa pagkagulat sa kanyang sagot.

27. Ilang Saduseo naman ang lumapit kay Jesus. Ang mga ito ay nagtuturong hindi na muling mabubuhay ang mga patay.

28. Sabi nila, “Guro, isinulat ni Moises para sa atin ang ganitong batas, ‘Kung mamatay ang kuya ng isang lalaki at ang asawa nito'y maiwang walang anak, siya ay dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.’

29. Minsan, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak.

30. Nagpakasal sa biyuda ang pangalawa, subalit ito'y namatay ding walang anak.

31. Ganoon din ang nangyari sa pangatlo hanggang sa pampito; sila'y isa-isang napangasawa ng babae at pawang namatay na walang anak.

32. Sa kahuli-hulihan po'y namatay naman ang babae.

33. Ngayon, sa muling pagkabuhay, sino po sa pito ang kikilalaning asawa ng babae, yamang silang lahat ay napangasawa niya?”

34. Sumagot si Jesus, “Sa buhay na ito, ang mga lalaki at mga babae ay nag-aasawa.