Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 2:19-34 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

19. Tinandaan ni Maria ang mga bagay na ito, at ito'y kanyang pinagbulay-bulayan.

20. Umalis ang mga pastol na nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan dahil sa lahat ng narinig nila at nakita, ayon sa sinabi sa kanila ng anghel.

21. Pagsapit ng ikawalong araw, tinuli ang bata at pinangalanang Jesus. Ito ang pangalang sinabi ng anghel bago pa siya ipaglihi.

22. Nang sumapit ang araw ng kanilang pagtupad sa seremonya ng paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises, pumunta sila sa Jerusalem. Dinala rin nila ang sanggol upang ihandog sa Panginoon,

23. sapagkat ganito ang nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, “Bawat panganay na lalaki ay itatalaga sa Panginoon.”

24. Nag-alay din sila ng handog na ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon, maaaring mag-asawang batu-bato, o kaya'y dalawang inakay na kalapati.

25. May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangala'y Simeon, isang lalaking matuwid, may takot sa Diyos at naghihintay sa katubusan ng Israel. Nasa kanya ang Espiritu Santo.

26. Ipinahayag ng Espiritu Santo sa kanya na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya nakikita ang Cristo na ipinangako ng Panginoon.

27. Sa patnubay ng Espiritu, si Simeon ay pumasok sa Templo. At nang dalhin doon nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus upang tuparin ang ayon sa hinihingi ng Kautusan,

28. kinarga ni Simeon ang sanggol. Pagkatapos, nagpuri siya sa Diyos,

29. “Ngayon, Panginoon, maaari na pong yumaong mapayapaang inyong abang alipin ayon sa inyong pangako.

30. Yamang nakita na po ng aking mga mata ang inyong pagliligtas,

31. na inyong inihanda sa harapan ng lahat ng bansa.

32. Ito po ay liwanag na tatanglaw sa mga Hentilat magbibigay-dangal sa inyong bansang Israel.”

33. Namangha ang mga magulang ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa bata.

34. Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito'y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel. Siya ang magiging tanda mula sa Diyos ngunit tutuligsain siya ng marami,