Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 2:10-20 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

10. Ngunit sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot! Ako'y may dalang magandang balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao.

11. Isinilang ngayon sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon.

12. Ito ang inyong palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.”

13. Bigla nilang nakitang kasama ng anghel ang isang malaking hukbo ng mga anghel sa kalangitan. Sila'y nagpupuri sa Diyos at umaawit,

14. “Papuri sa Diyos sa kaitaasan,at sa lupa ay kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!”

15. Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, ang mga pastol ay nag-usap-usap, “Tayo na sa Bethlehem! Tingnan natin ang pangyayaring ito na ibinalita sa atin ng Panginoon.”

16. Nagmamadali silang pumaroon at natagpuan nila sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban.

17. Isinalaysay ng mga pastol ang sinabi ng anghel tungkol sa sanggol.

18. Namangha ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol.

19. Tinandaan ni Maria ang mga bagay na ito, at ito'y kanyang pinagbulay-bulayan.

20. Umalis ang mga pastol na nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan dahil sa lahat ng narinig nila at nakita, ayon sa sinabi sa kanila ng anghel.