Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 19:39-48 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

39. Sinabi naman sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, “Guro, patigilin nga po ninyo ang inyong mga alagad.”

40. Sumagot siya, “Sinasabi ko sa inyo, kapag tumahimik sila, ang mga bato na ang siyang sisigaw.”

41. Nang malapit na siya sa Jerusalem at natatanaw na niya ang lunsod, ito'y kanyang tinangisan.

42. Sinabi niya, “Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makakapagdulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit ito'y lingid ngayon sa iyong paningin.

43. Darating ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, palilibutan ka nila at gigipitin sa kabi-kabila.

44. Wawasakin ka nila at lilipulin ang lahat ng taong nasasakupan mo. Wala silang iiwanang magkapatong na bato sapagkat hindi mo pinansin ang pagdalaw sa iyo ng Diyos.”

45. Pumasok si Jesus sa Templo at kanyang ipinagtabuyan ang mga nagtitinda roon.

46. Sinabi niya sa kanila, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan.’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw.”

47. Araw-araw, si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo. Pinagsisikapan siyang ipapatay ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan.

48. Subalit wala silang makitang paraan upang maisagawa ito dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.