Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 19:30-39 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

30. Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon at matatagpuan ninyo roon ang isang batang asno na nakatali; hindi pa iyon nasasakyan ninuman. Kalagan ninyo at dalhin dito.

31. Kapag may nagtanong kung bakit ninyo iyon kinakalagan, sabihin ninyong kailangan iyon ng Panginoon.”

32. Lumakad nga ang mga inutusan at natagpuan nila ang asno, ayon sa sinabi ni Jesus.

33. Habang kinakalagan nila ang batang asno, tinanong sila ng mga may-ari, “Bakit ninyo kinakalagan iyan?”

34. “Kailangan po ito ng Panginoon,” tugon nila.

35. Dinala nila kay Jesus ang asno, at matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, siya'y pinasakay nila.

36. Habang siya'y nakasakay sa asno at naglalakbay papunta sa lunsod, inilalatag naman ng mga tao ang kanilang mga balabal sa kanyang dinaraanan.

37. Nang siya'y malapit na sa lunsod, palusong na sa libis ng Bundok ng mga Olibo, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng alagad niya at malakas na nagpuri sa Diyos dahil sa mga kahanga-hangang pangyayaring kanilang nasaksihan.

38. Sinabi nila, “Pinagpala ang haring dumarating sa pangalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit! Papuri sa Kataas-taasan!”

39. Sinabi naman sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, “Guro, patigilin nga po ninyo ang inyong mga alagad.”