Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 18:15-26 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

15. Inilalapit ng mga tao kay Jesus pati ang kanilang mga sanggol upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay. Nang ito'y makita ng mga alagad, pinagalitan nila ang mga tao.

16. Ngunit tinawag ni Jesus ang mga alagad at sinabihang, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng Diyos.

17. Tandaan ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Diyos gaya ng isang bata ay hinding-hindi paghaharian ng Diyos.”

18. May isang pinuno ng bayan na nagtanong kay Jesus, “Mabuting Guro, ano po ba ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?”

19. Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Ang Diyos lamang ang mabuti!

20. Alam mo ang mga utos, ‘Huwag kang mangangalunya; huwag kang papatay; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; at igalang mo ang iyong ama at ina.’”

21. Sinabi ng lalaki, “Ang lahat pong iyan ay tinutupad ko na mula pa sa pagkabata.”

22. Pagkarinig nito ay sinabi ni Jesus, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi sa mga mahihirap ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos ay bumalik ka, at sumunod ka sa akin.”

23. Nalungkot ang lalaki nang marinig iyon, sapagkat siya'y napakayaman.

24. Nakita ni Jesus na nalulungkot ang lalaki kaya't sinabi niya, “Napakahirap para sa mga mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos!

25. Mas madali pang makaraan sa butas ng karayom ang isang kamelyo kaysa makapasok sa kaharian ng Diyos ang isang mayaman.”

26. Nagtanong ang mga naroong nakikinig, “Kung gayon, sino pa kaya ang maliligtas?”