Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 17:22-37 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

22. At sinabi niya sa mga alagad, “Darating ang panahon na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao, ngunit hindi ninyo ito makikita.

23. May magsasabi sa inyo, ‘Naroon siya!’ o, ‘Narito siya!’ Huwag kayong pumunta at huwag kayong maniniwala sa kanila.

24. Sapagkat pagsapit ng takdang araw, ang Anak ng Tao ay darating na parang kidlat na nagliliwanag sa buong kalangitan sa isang iglap.

25. Ngunit kailangan munang magdanas siya ng maraming hirap at itakwil ng mga tao sa panahong ito.

26. Ang pagparito ng Anak ng Tao ay matutulad sa nangyari noong kapanahunan ni Noe.

27. Ang mga tao noo'y nagsisikain, nagsisiinom at nagsisipag-asawa hanggang sa araw na sumakay si Noe sa barko. Dumating ang baha at namatay silang lahat.

28. Gayundin ang nangyari noong panahon ni Lot. Ang mga tao'y nagsisikain, nagsisiinom, bumibili, nagtitinda, nagtatanim at nagtatayo ng bahay.

29. Ngunit nang araw na umalis si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre at natupok silang lahat.

30. Ganoon din ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao.

31. “Sa araw na iyon, ang nasa bubungan ay huwag nang bumabâ pa upang kunin ang kanyang mga kasangkapan sa loob ng bahay, at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi pa.

32. Alalahanin ninyo ang nangyari sa asawa ni Lot.

33. Ang sinumang magsikap na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay ay siyang makakapagligtas nito.

34. Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon, may dalawang taong nasa isang higaan; kukunin ang isa at iiwan ang isa.

35-36. May dalawang babaing magkasamang nagtatrabaho sa gilingan; kukunin ang isa at iiwan ang isa.”

37. “Saan po, Panginoon?” tanong ng kanyang mga alagad.Sumagot siya, “Kung saan may bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre.”