Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 17:11-25 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

11. Sa paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea.

12. Nang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung ketongin. Tumigil ang mga ito sa may kalayuan

13. at sumigaw, “Jesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!”

14. Pagkakita sa kanila ay sinabi ni Jesus, “Lumakad na kayo at magpatingin sa mga pari.”Habang sila'y naglalakad, silang lahat ay gumaling at luminis.

15. Nang mapuna ng isa na siya'y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos.

16. Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nagpasalamat. Ang taong ito'y isang Samaritano.

17. “Hindi ba't sampu ang aking pinagaling at nilinis?” tanong ni Jesus. “Nasaan ang siyam?

18. Wala bang nagbalik upang magpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?”

19. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumayo ka na at umuwi. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”

20. Minsan, si Jesus ay tinanong ng mga Pariseo kung kailan magsisimula ang paghahari ng Diyos. Sumagot siya, “Walang makikitang palatandaan ng pagsisimula ng paghahari ng Diyos,

21. at wala ring magsasabing nagsimula na ito dito o doon. Sapagkat ang totoo'y naghahari na ang Diyos sa inyo.”

22. At sinabi niya sa mga alagad, “Darating ang panahon na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao, ngunit hindi ninyo ito makikita.

23. May magsasabi sa inyo, ‘Naroon siya!’ o, ‘Narito siya!’ Huwag kayong pumunta at huwag kayong maniniwala sa kanila.

24. Sapagkat pagsapit ng takdang araw, ang Anak ng Tao ay darating na parang kidlat na nagliliwanag sa buong kalangitan sa isang iglap.

25. Ngunit kailangan munang magdanas siya ng maraming hirap at itakwil ng mga tao sa panahong ito.