Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 15:2-14 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

2. Nagbulung-bulungan naman ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila, “Ang taong ito'y nakikisama sa mga makasalanan at nakikisalo sa mga ito.”

3. Dahil dito, sinabi sa kanila ni Jesus ang talinhagang ito.

4. “Kung ang sinuman sa inyo ay may isandaang tupa at mawalan ng isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't iiwan niya ang siyamnapu't siyam sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa ito'y matagpuan?

5. Kapag nakita na niya ang tupa ay masaya niya itong papasanin.

6. Pagdating sa bahay, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin dahil nakita ko na ang tupa kong nawawala!’

7. Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan kaysa siyamnapu't siyam na matuwid na di nangangailangang magsisi.”

8. “O kaya, kung ang isang babae ay may sampung salaping pilak at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't magsisindi siya ng ilawan, wawalisan ang buong bahay at hahanaping mabuti ang nawawalang salapi hanggang sa ito'y kanyang makita?

9. Kapag nakita na niya ito, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nakita ko na ang nawawala kong salaping pilak!’

10. Sinasabi ko sa inyo, gayundin ang kagalakan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan.”

11. Sinabi pa ni Jesus, “May isang tao na may dalawang anak na lalaki.

12. Sinabi sa kanya ng bunso, ‘Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang mamanahin ko.’ At hinati nga ng ama ang kanyang ari-arian.

13. Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang kanyang kaparte at nagpunta siya sa malayong lupain. Nilustay niya roon sa pamamagitan ng mga bisyo ang lahat niyang kayamanan.

14. Nang maubos na ito, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, kaya't siya'y nagsimulang maghirap.