Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 15:12-27 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

12. Sinabi sa kanya ng bunso, ‘Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang mamanahin ko.’ At hinati nga ng ama ang kanyang ari-arian.

13. Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang kanyang kaparte at nagpunta siya sa malayong lupain. Nilustay niya roon sa pamamagitan ng mga bisyo ang lahat niyang kayamanan.

14. Nang maubos na ito, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, kaya't siya'y nagsimulang maghirap.

15. Namasukan siya sa isang tagaroon, at siya'y pinagtrabaho nito sa isang babuyan.

16. Sa tindi ng kanyang gutom, at dahil sa wala namang nagbibigay sa kanya ng pagkain, halos kainin na niya ang mga bungangkahoy na kinakain ng mga baboy.

17. Ngunit napag-isip-isip niya ang kanyang ginawa at nasabi niya sa sarili, ‘Labis-labis ang pagkain ng mga alila ng aking ama, samantalang ako'y namamatay dito sa gutom!

18. Babalik ako sa aking ama at sasabihin ko sa kanya, “Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo.

19. Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila.”’

20. At siya'y nagpasyang umuwi sa kanila.“Malayo pa'y natanaw na siya ng kanyang ama, at dahil sa matinding awa ay patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinalikan.

21. Sinabi ng anak, ‘Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo.’

22. Ngunit tinawag ng ama ang kanyang mga alila, ‘Madali! Kunin ninyo ang pinakamagandang damit at bihisan ninyo siya. Suotan ninyo siya ng singsing at bigyan ninyo siya ng sandalyas.

23. Katayin ninyo ang pinatabang guya at tayo'y magdiwang.

24. Sapagkat ang anak kong ito ay namatay na, ngunit siya ay nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.’ At sila nga'y nagdiwang.”

25. “Nasa bukid noon ang anak na panganay. Nang umuwi ito at malapit na sa bahay, narinig nito ang tugtugan at sayawan.

26. Tinawag niya ang isang utusan at tinanong, ‘Bakit? Ano'ng mayroon sa atin?’

27. ‘Dumating po ang inyong kapatid!’ sagot ng alila. ‘Ipinapatay po ng inyong ama ang pinatabang guya dahil ang inyong kapatid ay nakabalik nang buháy at walang sakit.’