Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 13:9-25 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

9. baka sakaling mamunga na sa susunod na taon. Kung hindi pa, saka po ninyo ipaputol.’”

10. Isang Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagtuturo sa isang sinagoga.

11. May isang babae roon na labing-walong taon nang may karamdamang sanhi ng isang masamang espiritu. Siya'y nakukuba at hindi na makaunat.

12. Nang siya'y makita ni Jesus, tinawag siya at sinabi, “Magaling ka na sa iyong karamdaman.”

13. Ipinatong ni Jesus ang kanyang mga kamay sa babae, at noon di'y naibalik ang dati niyang postura at nagsimula siyang magpuri sa Diyos.

14. Ngunit nagalit ang tagapamahala ng sinagoga sapagkat nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pamamahinga. Kaya't sinabi nito sa mga tao, “May anim na araw na inilaan upang kayo'y magtrabaho. Sa mga araw na iyon kayo pumarito upang magpagaling ng mga sakit at huwag sa Araw ng Pamamahinga.”

15. Sinagot siya ng Panginoon, “Mga mapagkunwari! Hindi ba't kinakalag ninyo sa sabsaban ang inyong baka o asno at dinadala sa painuman kahit sa Araw ng Pamamahinga?

16. Ang anak na ito ni Abraham ay ginapos ni Satanas sa loob ng labing-walong taon. Hindi ba dapat siyang kalagan kahit na sa Araw ng Pamamahinga?”

17. Napahiya ang lahat ng kumakalaban kay Jesus dahil sa isinagot niya. Natuwa naman ang mga tao dahil sa lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ginawa niya.

18. Sinabi ni Jesus, “Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos? Saan ko ito maihahambing?

19. Ang katulad nito'y isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang halamanan. Ito'y lumaki hanggang sa maging isang punongkahoy, at ang mga ibon ay nagpupugad sa mga sanga nito.”

20. Sinabi pa ni Jesus, “Saan ko ihahambing ang paghahari ng Diyos?

21. Ito ay katulad ng pampaalsa na inihalo ng isang babae sa tatlong bakol na harina, kaya't umaalsa ang buong masa.”

22. Nagpatuloy si Jesus sa kanyang paglalakbay, at siya'y nagtuturo sa bawat bayan at nayon na kanyang dinaraanan papuntang Jerusalem.

23. Minsan may nagtanong sa kanya, “Ginoo, kakaunti po ba ang maliligtas?”Sinabi niya sa kanila,

24. “Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpupumilit pumasok ngunit hindi makakapasok.

25. Kapag ang pinto ay isinara na ng pinuno ng sambahayan, magtitiis kayong nakatayo sa labas at katok nang katok. Sasabihin ninyo, ‘Panginoon, papasukin po ninyo kami.’ Ngunit sasabihin niya sa inyo, ‘Hindi ko kayo kilala!’