Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 13:3-13 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

3. Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat.

4. At ang labing-walong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe, sa akala ba ninyo'y higit silang makasalanan kaysa sa ibang naninirahan sa Jerusalem?

5. Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong tulad nila.”

6. Sinabi pa sa kanila ni Jesus ang talinhagang ito. “May isang taong may tanim na puno ng igos sa kanyang ubasan. Minsan, tiningnan niya kung may bunga ang puno, ngunit wala siyang nakita.

7. Dahil dito, sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa punong ito, ngunit wala akong makita. Putulin mo na't nakakasikip lang iyan!’

8. Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, ‘Huwag po muna nating putulin ngayon. Huhukayan ko po ang palibot at lalagyan ng pataba,

9. baka sakaling mamunga na sa susunod na taon. Kung hindi pa, saka po ninyo ipaputol.’”

10. Isang Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagtuturo sa isang sinagoga.

11. May isang babae roon na labing-walong taon nang may karamdamang sanhi ng isang masamang espiritu. Siya'y nakukuba at hindi na makaunat.

12. Nang siya'y makita ni Jesus, tinawag siya at sinabi, “Magaling ka na sa iyong karamdaman.”

13. Ipinatong ni Jesus ang kanyang mga kamay sa babae, at noon di'y naibalik ang dati niyang postura at nagsimula siyang magpuri sa Diyos.