Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 12:49-59 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

49. “Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa at sana'y nagliliyab na ito!

50. May isang bautismo na dapat kong danasin, at ako'y nababagabag hangga't hindi ito nagaganap.

51. Akala ba ninyo'y naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, hindi kapayapaan ang dala ko kundi pagkabaha-bahagi.

52. Mula ngayon, ang lima sa isang sambahayan ay mahahati, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo.

53. Ang ama laban sa anak na lalaki,at ang anak na lalaki laban sa ama;ang ina laban sa anak na babae,at ang anak na babae laban sa ina;ang biyenang babae laban sa manugang na babae,at ang manugang na babae laban sa biyenang babae.”

54. Sinabi rin ni Jesus sa mga tao, “Kapag nakita ninyong kumakapal ang ulap sa kanluran, sinasabi ninyong uulan, at ganoon nga ang nangyayari.

55. At kung umiihip ang hangin mula sa katimugan ay sinasabi ninyong iinit, at nagkakaganoon nga.

56. Mga mapagkunwari! Marunong kayong umunawa ng palatandaan sa lupa at sa langit, bakit hindi ninyo nauunawaan ang mga tanda ng kasalukuyang panahon?”

57. “Bakit hindi ninyo mapagpasyahan kung ano ang dapat ninyong gawin?

58. Kapag ikaw ay isinakdal, sikapin mong makipagkasundo habang may panahon; baka kaladkarin ka niya sa hukuman, at ipag-utos ng hukom na ikaw ay ibilanggo.

59. Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makakalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.”