Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 12:36-49 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

36. Tumulad kayo sa mga aliping naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon buhat sa kasalan, upang kung ito'y dumating at kumatok ay mabuksan nila agad ang pinto.

37. Mapalad ang mga aliping aabutang nagbabantay pagdating ng kanilang panginoon. Tandaan ninyo: magbibihis siya at pauupuin sila, ipaghahanda sila ng pagkain at pagsisilbihan.

38. Mapalad sila kung maratnan silang handa pagdating ng Panginoon, maging sa hatinggabi o sa madaling-araw man.

39. Sinasabi ko sa inyo, kung alam lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya pababayaang makapasok ito.

40. Kayo man ay dapat na humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo nalalaman.”

41. Nagtanong si Pedro, “Panginoon, sinasabi po ba ninyo ang talinhagang ito para sa amin o para sa lahat?”

42. Sumagot ang Panginoon, “Sino nga ba ang tapat at matalinong katiwala? Sino ang katiwalang pamamahalain ng kanyang panginoon sa kanyang sambahayan upang magbigay sa ibang mga alipin ng kanilang pagkain sa takdang oras?

43. Mapalad ang aliping madaratnang gumaganap ng tungkulin pag-uwi ng kanyang panginoon.

44. Sinasabi ko sa inyo, pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng ari-arian nito.

45. Ngunit kung sasabihin ng aliping iyon sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang pag-uwi ng aking panginoon,’ at dahil dito'y pagmamalupitan niya ang mga kapwa niya aliping lalaki at babae, at siya'y kakain, iinom at maglalasing.

46. Darating ang kanyang panginoon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Buong lupit siyang paparusahan ng kanyang panginoon, at isasama sa mga suwail.

47. “Ang aliping nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon ngunit nagpapabaya, o ayaw tumupad sa ipinapagawa nito ay paparusahan nang mabigat.

48. Ngunit ang aliping hindi nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon, magkulang man siya sa kanyang tungkulin, ay paparusahan lamang nang magaan. Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng maraming bagay; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong maraming bagay.”

49. “Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa at sana'y nagliliyab na ito!