Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 12:30-41 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

30. Ang mga bagay na ito ang pinagkakaabalahan ng mga taong di nananalig sa Diyos. Alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang lahat ng iyan.

31. Subalit, pagsikapan muna nang higit sa lahat na kayo'y pagharian ng Diyos, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan.”

32. “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.

33. Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian, at ipamahagi sa mga dukha ang pinagbilhan! Gumawa kayo ng mga sisidlang hindi naluluma at mag ipon kayo sa langit ng kayamanang hindi nawawala. Doo'y walang magnanakaw na pumapasok at insektong sumisira.

34. Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso.”

35. “Maging handa kayong lagi at panatilihing maliwanag ang inyong mga ilawan.

36. Tumulad kayo sa mga aliping naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon buhat sa kasalan, upang kung ito'y dumating at kumatok ay mabuksan nila agad ang pinto.

37. Mapalad ang mga aliping aabutang nagbabantay pagdating ng kanilang panginoon. Tandaan ninyo: magbibihis siya at pauupuin sila, ipaghahanda sila ng pagkain at pagsisilbihan.

38. Mapalad sila kung maratnan silang handa pagdating ng Panginoon, maging sa hatinggabi o sa madaling-araw man.

39. Sinasabi ko sa inyo, kung alam lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya pababayaang makapasok ito.

40. Kayo man ay dapat na humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo nalalaman.”

41. Nagtanong si Pedro, “Panginoon, sinasabi po ba ninyo ang talinhagang ito para sa amin o para sa lahat?”