Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 12:1-9 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Samantala, dumaragsa ang libu libong tao, at sa sobrang dami ay nagkakatapakan na sila. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Pariseo; sila ay mga mapagkunwari.

2. Walang natatago na di malalantad at walang nalilihim na di mabubunyag.

3. Ang sinabi ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag at ang ibinulong ninyo sa loob ng silid ay ipagsisigawan sa lansangan.

4. “Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan, huwag kayong matakot sa mga taong pumapatay ng katawan at wala nang kayang gawin maliban dito.

5. Sasabihin ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan. Katakutan ninyo siya na pagkatapos pumatay ay may kapangyarihan ding magtapon sa impiyerno. Sinasabi ko sa inyo, ang Diyos ang dapat ninyong katakutan!

6. “Hindi ba't ipinagbibili ang limang maya sa halaga lamang ng dalawang salaping tanso? Gayunman, kahit isa sa kanila'y hindi pinababayaan ng Diyos.

7. Maging ang buhok ninyo'y bilang niyang lahat. Kaya't huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa mga maya.”

8. “Sinasabi ko rin sa inyo, ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin din naman ng Anak ng Tao sa harapan ng mga anghel ng Diyos.

9. Ngunit ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao ay ikakaila ko rin naman sa harap ng mga anghel ng Diyos.