Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 11:42-53 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

42. “Kahabag-habag kayong mga Pariseo! Ibinibigay ninyo ang ikasampung bahagi ng yerbabuena, ruda, at iba pang halamang panimpla sa pagkain, ngunit kinakaligtaan naman ninyo ang katarungan at ang pag-ibig ng Diyos. Tamang gawin ninyo ang una, ngunit hindi ninyo dapat kaligtaan ang ikalawa.

43. “Kahabag-habag kayong mga Pariseo! Mahihilig kayo sa mga upuang pandangal sa mga sinagoga, at ibig ninyong pagpugayan kayo sa mga palengke.

44. Kahabag-habag kayo sapagkat para kayong mga libingang walang tanda kaya't tinutuntungan ng mga tao nang hindi nila namamalayan.”

45. Sinabi sa kanya ng isa sa mga dalubhasa sa kautusang Judio, “Guro, sa sinabi ninyong iyan, pati kami'y kinukutya ninyo.”

46. Sinagot naman siya ni Jesus, “Kahabag-habag din kayo, mga dalubhasa sa kautusan! Pinagpapasan ninyo ng mabibigat na dalahin ang mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw ninyong igalaw upang matulungan sila.

47. Kahabag-habag kayo! Ipinagpapatayo pa ninyo ng magagarang libingan ang mga propetang pinatay ng inyong mga ninuno.

48. Sa gayon, kayo na rin ang nagpapatunay na sang-ayon kayo sa ginawa ng inyong mga ninuno, sapagkat sila ang pumatay sa mga propeta at kayo naman ang nagtatayo ng libingan ng mga ito.

49. Dahil dito'y sinabi rin ng Karunungan ng Diyos, ‘Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; ang ilan ay papatayin nila at ang iba nama'y uusigin.’

50. Sa gayon, pananagutan ninyong mga nabubuhay sa panahong ito ang pagpatay sa lahat ng mga propetang pinatay mula nang likhain ang daigdig,

51. magmula kay Abel hanggang kay Zacarias na pinatay sa pagitan ng dambana at ng Templo. Oo, sinasabi ko sa inyo, kayong mga nabubuhay sa panahong ito, mananagot kayo sa kanilang pagkamatay.

52. “Kahabag-habag kayo, mga dalubhasa sa kautusan! Sapagkat ipinagkakait ninyo ang susi ng kaalaman. Hindi na nga kayo pumapasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga ibang nais pumasok.”

53. Pagkaalis ni Jesus sa lugar na iyon, nagsimula na siyang tuligsain ng mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo. Malimit nilang tanungin siya tungkol sa maraming bagay