Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 11:32-42 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

32. Sa Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang mga taga-Nineve laban sa lahing ito, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas. Pakinggan ninyo, lalong dakila kay Jonas ang naririto ngayon.”

33. “Walang nagsisindi ng ilaw upang itago lamang iyon, o kaya'y ilagay sa ilalim ng malaking takalan. Inilalagay ang ilaw sa talagang patungan upang matanglawan ang mga pumapasok sa bahay.

34. Ang iyong mata ang ilawan ng iyong katawan. Kung malinaw ang iyong mata, maliliwanagan ang buo mong katawan. Ngunit kung malabo ang iyong mata, ang buo mong katawan ay mapupuno ng kadiliman.

35. Kaya't mag-ingat ka, baka ang liwanag na inaakala mong nasa iyo ay kadiliman pala.

36. Kung nasa liwanag ang buo mong katawan at walang bahaging nasa dilim, magliliwanag itong parang isang ilawan na tumatanglaw sa iyo.”

37. Pagkatapos magsalita, si Jesus ay inanyayahan ng isang Pariseo upang kumain sa bahay niya. Nagpaunlak si Jesus at dumulog sa hapag.

38. Nagulat ang Pariseo nang makita niyang si Jesus ay hindi muna naghugas ng kamay.

39. Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga Pariseo, hinuhugasan ninyo ang labas ng baso at ng pinggan, ngunit ang loob ninyo'y punung-puno ng kasakiman at kasamaan.

40. Mga hangal! Hindi ba't ang lumikha ng nasa labas ang siya ring lumikha ng nasa loob?

41. Ipamahagi muna ninyo sa mga dukha ang laman ng inyong mga baso at pinggan, at magiging malinis ang lahat ng bagay para sa inyo.

42. “Kahabag-habag kayong mga Pariseo! Ibinibigay ninyo ang ikasampung bahagi ng yerbabuena, ruda, at iba pang halamang panimpla sa pagkain, ngunit kinakaligtaan naman ninyo ang katarungan at ang pag-ibig ng Diyos. Tamang gawin ninyo ang una, ngunit hindi ninyo dapat kaligtaan ang ikalawa.