Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 11:16-32 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

16. May ilan namang, sa pagnanais na siya'y subukin, patuloy na humihiling na magpakita siya ng isang himalang mula sa langit.

17. At dahil alam ni Jesus ang kanilang iniisip, sinabi niya sa kanila, “Ang kahariang nahahati sa magkakalabang pangkat ay babagsak at ang sambahayang nag-aaway-away ay mawawasak.

18. Kung may mga pangkat sa kaharian ni Satanas na naglalaban-laban, paano mananatili ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul.

19. Kung sa kapangyarihan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, sa kaninong kapangyarihan naman nagpapalayas ng demonyo ang inyong mga tagasunod? Sila na rin ang magpapatunay na mali kayo.

20. Nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ng Diyos, at ito'y nangangahulugang dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos.

21. “Kapag ang isang taong malakas ay nagbabantay sa kanyang bahay na dala ang kanyang mga sandata, ligtas ang kanyang mga ari-arian.

22. Ngunit kung salakayin siya ng isang taong higit na malakas kaysa kanya, sasamsamin nito ang mga sandatang kanyang inaasahan at ipamamahagi nito ang mga inagaw na ari-arian.

23. “Ang hindi ko kakampi ay kalaban ko, at ang hindi ko kasamang nag-iipon ay nagkakalat.”

24. “Kapag umalis sa tao ang isang masamang espiritu, nagpapagala-gala ito sa mga tigang na lugar at naghahanap ng mapagpapahingahan. Kapag wala siyang makita, sasabihin niya sa sarili, ‘Babalik ako sa bahay na aking pinanggalingan.’

25. Sa pagbabalik niya ay matatagpuan niyang malinis at maayos ang bahay.

26. Kaya't, lalabas siyang muli at magsasama ng pito pang espiritung mas masasama kaysa kanya. Papasok sila at maninirahan doon, kaya't mas masama pa kaysa dati ang kalagayan ng taong iyon.”

27. Habang nagsasalita si Jesus, may isang babaing sumigaw mula sa karamihan, “Mapalad ang babaing nagbuntis at nag-alaga sa iyo.”

28. Ngunit sumagot siya, “Higit na mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”

29. Nang dumagsa ang mga tao, sinabi ni Jesus, “Napakasama ng mga tao sa panahong ito. Naghahanap sila ng palatandaang mula sa langit, subalit walang palatandaang ipapakita sa kanila maliban sa nangyari kay Jonas.

30. Kung paanong si Jonas ay naging isang palatandaan sa mga taga-Nineve, gayundin naman, ang Anak ng Tao ay magiging isang palatandaan sa lahing ito.

31. Sa Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang Reyna ng Sheba laban sa lahing ito, sapagkat naglakbay siya mula pa sa dulo ng daigdig upang mapakinggan ang karunungan ni Solomon, ngunit ang naririto ngayon ay higit na dakila kaysa kay Solomon.

32. Sa Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang mga taga-Nineve laban sa lahing ito, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas. Pakinggan ninyo, lalong dakila kay Jonas ang naririto ngayon.”