Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 11:12-22 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

12. Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya'y humihingi ng itlog?

13. Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit! Ibibigay niya ang Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!”

14. Minsan, pinalayas ni Jesus ang isang demonyo mula sa isang lalaking pipi. Nang nakapagsalita ito, ang mga tao ay humanga kay Jesus.

15. Subalit sinabi naman ng ilan sa mga naroon, “Nakapagpalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo.”

16. May ilan namang, sa pagnanais na siya'y subukin, patuloy na humihiling na magpakita siya ng isang himalang mula sa langit.

17. At dahil alam ni Jesus ang kanilang iniisip, sinabi niya sa kanila, “Ang kahariang nahahati sa magkakalabang pangkat ay babagsak at ang sambahayang nag-aaway-away ay mawawasak.

18. Kung may mga pangkat sa kaharian ni Satanas na naglalaban-laban, paano mananatili ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul.

19. Kung sa kapangyarihan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, sa kaninong kapangyarihan naman nagpapalayas ng demonyo ang inyong mga tagasunod? Sila na rin ang magpapatunay na mali kayo.

20. Nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ng Diyos, at ito'y nangangahulugang dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos.

21. “Kapag ang isang taong malakas ay nagbabantay sa kanyang bahay na dala ang kanyang mga sandata, ligtas ang kanyang mga ari-arian.

22. Ngunit kung salakayin siya ng isang taong higit na malakas kaysa kanya, sasamsamin nito ang mga sandatang kanyang inaasahan at ipamamahagi nito ang mga inagaw na ari-arian.