Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 10:23-36 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

23. Humarap si Jesus sa mga alagad at sinabi nang walang ibang nakakarinig, “Mapalad kayo sapagkat nakita ninyo ang mga nakikita ninyo ngayon.

24. Sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at matutuwid na tao ang naghangad na makita ang inyong nasasaksihan at marinig ang inyong napapakinggan, subalit hindi nila ito nakita ni narinig.”

25. Isang dalubhasa sa kautusang Judio ang lumapit kay Jesus upang siya'y subukin. “Guro, ano ang dapat kong gawin upang magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?” tanong niya.

26. Sumagot si Jesus, “Ano ba ang nakasulat sa Kautusan? Ano ba ang nababasa mo roon?”

27. Sumagot ang lalaki, “‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong lakas, at buong pag-iisip;’ at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’”

28. Sabi ni Jesus, “Tama ang sagot mo. Gawin mo iyan at magkakamit ka ng buhay na walang hanggan.”

29. Upang huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, nagtanong pa ang lalaki, “Sino naman ang aking kapwa?”

30. Sumagot si Jesus, “May isang taong naglalakbay mula sa Jerusalem papuntang Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, kinuha pati ang damit sa kanyang katawan, binugbog, at iniwang halos patay na.

31. Nagkataong dumaan doon ang isang paring Judio. Nang makita ang taong nakahandusay, lumihis siya at nagpatuloy sa kanyang paglakad.

32. Dumaan din ang isang Levita, ngunit nang makita niya ang taong binugbog, lumihis din ito at nagpatuloy sa kanyang paglakad.

33. Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na napadaan doon. Nakita niya ang biktima at siya'y naawa.

34. Nilapitan niya ito, binuhusan ng langis at alak ang mga sugat at binendahan. Pagkatapos, ang lalaki ay isinakay ng Samaritano sa kanyang asno at dinala ito sa bahay-panuluyan upang maalagaan doon.

35. Kinabukasan, binigyan niya ng dalawang salaping pilak ang may-ari ng bahay-panuluyan, at sinabi, ‘Heto, alagaan mo siya, at kung higit pa riyan ang iyong magagastos, babayaran ko sa aking pagbalik.’”

36. At nagtanong si Jesus, “Sa palagay mo, sino kaya sa tatlo ang naging tunay na kapwa ng taong hinarang ng mga tulisan?”