Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 10:14-24 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

14. Sa Araw ng Paghuhukom, higit na mabigat ang kaparusahan ninyo kaysa sa kaparusahan sa mga taga-Tiro at taga-Sidon.

15. At kayong mga taga-Capernaum, maaaring itaas ninyo ang inyong sarili hanggang sa langit ngunit ibabagsak kayo hanggang sa daigdig ng mga patay.

16. “Ang nakikinig sa inyo ay sa akin nakikinig, ang nagtatakwil sa inyo ay nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin.”

17. Masayang-masayang bumalik ang pitumpu't dalawa. Iniulat nila sa Panginoon, “Kahit po ang mga demonyo ay sumusuko sa amin dahil po sa kapangyarihan ng inyong pangalan.”

18. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Nakita kong parang kidlat na nahulog si Satanas mula sa langit.

19. Binigyan ko kayo ng kapangyarihang tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway; at walang makakapanakit sa inyo.

20. Ngunit magalak kayo, hindi dahil sa napapasuko ninyo ang masasamang espiritu, kundi dahil sa nakatala sa langit ang inyong mga pangalan.”

21. Nang oras ding iyon, si Jesus ay napuspos ng kagalakan ng Espiritu Santo. Sinabi niya, “Salamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at sa mga matatalino ang mga bagay na ito, ngunit inihayag mo sa mga taong ang kalooban ay tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat ganoon ang nais mong mangyari.

22. “Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at wala namang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak, at ang mga taong ginawang karapat-dapat ng Anak na makakilala sa Ama.”

23. Humarap si Jesus sa mga alagad at sinabi nang walang ibang nakakarinig, “Mapalad kayo sapagkat nakita ninyo ang mga nakikita ninyo ngayon.

24. Sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at matutuwid na tao ang naghangad na makita ang inyong nasasaksihan at marinig ang inyong napapakinggan, subalit hindi nila ito nakita ni narinig.”