Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 10:1-14 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Pagkatapos nito, pumili ang Panginoon ng pitumpu't dalawa. Sila ay isinugo niya nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na pupuntahan niya.

2. Sinabi niya sa kanila, “Napakarami ng aanihin ngunit kakaunti ang mga mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala siya ng mga mag-aani.

3. Sige pumunta na kayo! Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mababangis na asong-gubat.

4. Huwag kayong magdala ng lalagyan ng pera, bag, o sandalyas. Huwag na kayong makikipagbatian kaninuman sa daan.

5. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’

6. Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, tatanggapin nila ang kapayapaan ninyo; ngunit kung hindi, babalik sa inyo ang inyong kapayapaan.

7. Makituloy kayo sa bahay na iyan at huwag kayong magpapalipat-lipat ng tinutuluyan. Kainin ninyo at inumin ang anumang ihain sa inyo sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng sweldo.

8. Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo.

9. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at sabihin sa mga tagaroon, ‘Malapit na kayong pagharian ng Diyos.’

10. Ngunit kung hindi kayo tanggapin sa isang bayan, pumunta kayo sa mga lansangan nito at sabihin,

11. ‘Pati ang alikabok ng inyong bayan na dumikit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin bilang babala sa inyo. Ngunit pakatandaan ninyo, nabigyan na kayo ng pagkakataong mapagharian ng Diyos!’

12. Sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang parusang igagawad sa mga mamamayan ng bayang iyon kaysa sa parusang dinanas ng mga taga-Sodoma!”

13. “Kawawa kayo mga taga-Corazin! Kawawa kayo mga taga-Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi.

14. Sa Araw ng Paghuhukom, higit na mabigat ang kaparusahan ninyo kaysa sa kaparusahan sa mga taga-Tiro at taga-Sidon.