Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 1:18-29 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

18. Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko pong matitiyak na mangyayari iyan? Ako'y matanda na at gayundin ang aking asawa.”

19. Sumagot ang anghel, “Ako'y si Gabriel na naglilingkod sa Diyos. Isinugo niya ako upang dalhin sa iyo ang magandang balitang ito.

20. Ngunit dahil sa hindi ka naniwala sa mga sinasabi kong matutupad pagdating ng takdang panahon, ikaw ay magiging pipi. Hindi ka makakapagsalita hanggang sa araw na maganap ang mga ito.”

21. Samantala, naghihintay naman kay Zacarias ang mga tao. Nagtataka sila kung bakit nagtagal siya nang ganoon sa loob ng Templo.

22. Paglabas niya, hindi na siya makapagsalita, kaya't mga senyas na lamang ang ginagamit niya. Napag-isip-isip ng mga tao na baka nakakita siya ng pangitain sa loob ng Templo. Si Zacarias ay nanatiling pipi.

23. Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod ay umuwi na siya.

24. Hindi nga nagtagal at naglihi si Elisabet. Hindi ito lumabas ng bahay sa loob ng limang buwan.

25. Sinabi ni Elisabet, “Ngayo'y kinahabagan ako ng Panginoon. Ginawa niya ito upang alisin ang sanhi ng aking kahihiyan sa harap ng mga tao!”

26. Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elisabet, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang lunsod sa Galilea, upang kausapin ang

27. isang dalaga na ang pangala'y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni Haring David.

28. Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, “Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!”

29. Naguluhan si Maria at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pangungusap.