Magandang Balita Biblia Revisi

Judas 1:18-25 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

18. Noon pa'y sinabi na nila sa inyo, “Sa huling panahon, may lilitaw na mga taong mapanlait at alipin ng masasamang nasa ng laman.”

19. Ito ang mga taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, mga taong alipin ng kanilang masasamang nasa at hindi pinapanahanan ng Espiritu.

20. Ngunit magpakatatag kayo, mga minamahal, sa inyong napakabanal na pananampalataya. Manalangin kayo sa tulong ng Espiritu Santo.

21. Manatili kayo sa pag-ibig ng Diyos habang naghihintay kayo sa ating Panginoong Jesu-Cristo na magkakaloob sa inyo ng buhay na walang hanggan dahil sa kanyang habag sa atin.

22. Kaawaan ninyo ang mga nag-aalinlangan.

23. Agawin ninyo ang mga hahatulan sa apoy ng paghuhukom. Ang iba nama'y kaawaan ninyo nang may halong pag-iingat; kasuklaman ninyo kahit ang mga damit nilang nadumihan dahil sa kahalayan.

24. Sa kanya na makakapag-ingat sa inyo upang hindi kayo magkasala, at makakapagharap sa inyo nang walang kapintasan at may malaking kagalakan sa kanyang kaluwalhatian,

25. sa iisang Diyos na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin, sa kanya ang kapurihan, karangalan, kaluwalhatian at kapangyarihan, mula pa noong una, ngayon at magpakailanman! Amen.