Magandang Balita Biblia Revisi

Judas 1:14-22 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

14. Tungkol din sa kanila ang pahayag ni Enoc, na kabilang sa ikapitong salinlahi mula kay Adan. Sinabi niya, “Tingnan ninyo! Dumarating na ang Panginoon kasama ang kanyang libu-libong mga anghel

15. upang hatulan silang lahat. Paparusahan niya ang lahat ng ayaw kumilala sa Diyos dahil sa kanilang mga kasamaan at paglapastangan sa Diyos!”

16. Ang mga taong ito'y walang kasiyahan, mapamintas, alipin ng kanilang masasamang nasa, mga mayayabang, at sanay na sanay manloko para makuha ang gusto nila.

17. Mga minamahal, alalahanin ninyo ang sinabi ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

18. Noon pa'y sinabi na nila sa inyo, “Sa huling panahon, may lilitaw na mga taong mapanlait at alipin ng masasamang nasa ng laman.”

19. Ito ang mga taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, mga taong alipin ng kanilang masasamang nasa at hindi pinapanahanan ng Espiritu.

20. Ngunit magpakatatag kayo, mga minamahal, sa inyong napakabanal na pananampalataya. Manalangin kayo sa tulong ng Espiritu Santo.

21. Manatili kayo sa pag-ibig ng Diyos habang naghihintay kayo sa ating Panginoong Jesu-Cristo na magkakaloob sa inyo ng buhay na walang hanggan dahil sa kanyang habag sa atin.

22. Kaawaan ninyo ang mga nag-aalinlangan.