Magandang Balita Biblia Revisi

Josue 9:13-19 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

13. Bago pa rin ang mga sisidlang-balat na iyan nang aming lagyan. Tingnan po ninyo! Sira-sira at tagpi-tagpi na ngayon. Gula-gulanit na po itong aming kasuotan at pudpod na itong aming sandalyas dahil sa kalayuan ng aming nilakbay.”

14. Tinikman ng mga pinuno ng Israel ang mga pagkain ngunit hindi man lamang sumangguni kay Yahweh.

15. Kaya't nakipagkasundo sa kanila si Josue at nangako na hindi sila papatayin. Sumang-ayon din sa kasunduan ang mga pinuno ng Israel.

16. Tatlong araw pagkatapos pagtibayin ang kasunduan, nalaman ng mga Israelita na hindi pala taga malayo ang mga taong iyon, kundi tagaroon din sa lupaing iyon.

17. Kaya lumakad sila, at pagkatapos ng tatlong araw ay natagpuan nila ang mga tinitirhan ng mga taong iyon: ang mga lunsod ng Gibeon, Cefira, Beerot at Lunsod ng Jearim.

18. Ngunit hindi magawang patayin ng mga Israelita ang mga taong iyon sapagkat ang mga pinuno ng Israel ay nanumpa sa kanila sa pangalan ni Yahweh. At nagreklamo ang buong bayan laban sa pangyayaring iyon.

19. Kaya't nagpaliwanag ang mga pinuno, “Nakipagkasundo kami sa kanila sa ngalan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Hindi natin sila maaaring saktan.