Magandang Balita Biblia Revisi

Job 42:9-17 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

9. Ganoon nga ang ginawa nina Elifaz na Temaneo, Bildad na Suhita, at Zofar na Naamita. At ang panalangin ni Job ay dininig ni Yahweh.

10. Ang kabuhayan ni Job ay ibinalik ni Yahweh sa dati, nang ipanalangin nito ang tatlong kaibigan. At dinoble pa ni Yahweh ang kayamanan ni Job.

11. Lahat ng kapatid nito, mga kamag-anak at kakilala ay dumalaw sa kanya at nagsalu-salo sila. Bawat isa'y nakiramay sa nangyari sa kanya at nagbigay ng salapi at singsing na ginto.

12. Ang mga huling araw ni Job ay higit na pinagpala ni Yahweh. Binigyan niya ito ng labing-apat na libong tupa, anim na libong kamelyo, dalawang libong baka at sanlibong inahing asno.

13. Nagkaroon pa si Job ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae.

14. Ang pangalan ng mga babae ay Jemima, Kezia at Keren-hapuc.

15. Ang mga anak na babae ni Job ang pinakamaganda sa buong lupain. Pinamanahan din niya ang mga ito, tulad ng mga anak na lalaki.

16. Si Job ay nabuhay pa nang sandaan at apatnapung taon. Inabutan pa siya ng kanyang mga apo sa ikaapat na salinlahi.

17. Matandang-matanda na siya nang mamatay.