Magandang Balita Biblia Revisi

Job 30:13-26 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

13. Pilit akong sinusukol upang ako'y pahirapan,sa ginagawa nila'y wala man lang humadlang.

14. Isang pader na may bitak ang katulad ng aking buhay,sinalakay nila ako at tinapak-tapakan.

15. Ang buo kong pagkatao ay nilukuban ng takot,dangal ko'y naglaho parang bulang pumutok,at ang aking kasaganaan, parang ulap na sumabog.

16. ‘Halos mapatid na ang aking hininga,hindi na maibsan ang hirap kong dala.

17. Sa buong magdamag, mga buto ko ay masakit,ginhawa'y di madama kahit isang saglit.

18. Hinablot ng Diyos ang aking kasuotan,at ako'y kaawa-awang kanyang kinwelyuhan.

19. Pagkatapos noon, ako'y kanyang inihagislumubog sa putik, parang isang yagit.

20. “Di mo pinakinggan, O Diyos, ang aking pagdaing,aking panalangin, hindi mo man lang pinansin.

21. Bakit ako'y iyong pinagmamalupitan,at pinag-uusig ng iyong buong kapangyarihan?

22. Bakit hinayaang ang buhay kong angkin,bayuhin ng bagyo at malalakas na hangin?

23. Alam kong dadalhin mo ako sa kamatayan,na huling hantungan ng bawat nilalang.

24. Taong bumagsak, bakit mo pa pinahihirapan,wala naman siyang magagawa kundi magmakaawa lamang?

25. Di ba ako ay dumamay sa mga nangangailangan,at nagmalasakit din sa mahirap ang kabuhayan?

26. Tuwa at liwanag ang aking inaasahan;subalit ang dumating ay hirap at kadiliman.