Magandang Balita Biblia Revisi

Job 30:1-12 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. “Ngayon ako'y kinukutya na ng mga kabataan,na mga anak ng mga taong di ko pinayaganna sumama sa mga asong nagbantay sa aking kawan.

2. Mga bisig nila ay hindi ko inasahan,walang gawaing kanilang nakayanan.

3. Sa gitna ng gutom at kasalatan,kanilang kinakain mga tuyong ugat sa ilang.

4. Nangunguha sila ng usbong ng halaman sa dawagan,at ugat ng mga tambo ang panlaman nila sa tiyan.

5. Ang mga taong ito'y itinakwil ng lipunan,at ang turing sa kanila'y mistulang mga tulisan.

6. Mga kuweba't mga kanal ang kanilang tinitirhan,ang iba nama'y sa lungga, at ang iba'y sa batuhan.

7. Ungol nila'y naririnig mula roon sa dawagan,sila'y nagyayakap-yakap sa gitna ng katinikan.

8. Sila'y parang mga yagit na walang kabuluhanpagkat mula sa lupain, sila'y ipinagtatabuyan.

9. “Ngayo'y ako naman ang kanilang pinagtatawanan,siyang laging binibiro at pinag-uusapan.

10. Kinukutya nila ako at kanilang iniiwasan,at di nag-aatubiling ako'y kanilang duraan.

11. Pagkat inalis ng Diyos ang lakas ko at kakayahan,kaya naman ako'y kanilang nilalapastangan.

12. Sinalakay nila ako nang walang pakundangan,hinahabol nila ako upang tapusin nang tuluyan.