Magandang Balita Biblia Revisi

Job 21:15-34 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

15. Sino ba ang Makapangyarihang Diyos upang sambahin namin?At ano bang mapapala kung sa kanya'y mananalangin?’

16. Ang akala nila, sa sariling lakas galing ang tagumpay,ngunit di ako sang-ayon sa kanilang palagay.

17. “Ilawan ba ng masama'y pinatay nang minsan?Sila ba ay dumanas ng matinding kahirapan,at ang parusa ng Diyos, sa kanila ba'y ipinataw?

18. Itinulad ba sa dayaming nililipad nitong hangino ipang walang laman, tinatangay sa papawirin?

19. “Sinasabi ninyong ang anak ay pinaparusahan dahil sa sala ng kanyang magulang.Parusahan sana ng Diyos ang mismong may kasalanan!

20. Sa gayo'y mararanasan nila ang kahirapang sasapitin;sa parusa ng Makapangyarihang Diyos, sila ang pagdanasin.

21. Kapag ang isang tao'y binawian ng buhay,ano pang pakialam niya sa pamilyang naiwan?

22. Sinong makakapagturo ng dapat gawin ng Diyos,na siyang humahatol sa buong sansinukob?

23. “May taong namamatay sa gitna ng kasaganaan,panatag ang katayuan, maginhawa ang kabuhayan.

24. Katawan niya ay malusog,at malalakas ang tuhod.

25. Mayroon namang namamatay sa kahirapan,ni hindi nakalasap kahit kaunting kaligayahan.

26. Ngunit pareho silang sa alabok nahihimlay,at kapwa inuuod ang kanilang katawan.

27. “Alam ko kung ano ang binabalak ninyong gawinat ang masamang iniisip ninyo laban sa akin.

28. Tiyak na itatanong ninyo kung nasaan ang tahananng taong namuhay sa kasamaan.

29. “Hindi ba ninyo naitatanong sa mga manlalakbay,mga ulat nila'y hindi ba ninyo pinaniniwalaan?

30. Sa panahon ng kahirapan at kasawiang-palad,di ba't ang masama ay laging naliligtas?

31. Sa kanyang kasamaa'y walang nagpapamukha,walang naniningil sa masama niyang gawa.

32. Kapag siya ay namatay at inihatid na sa hukay,maraming nagbabantay sa kanyang libingan.

33. Napakaraming sa kanya'y maghahatid sa libing,pati lupang hihigan niya, sa kanya ay malambing.

34. Ngunit pang-aaliw ninyo'y walang kabuluhan,pagkat lahat ng sagot ninyo'y pawang kasinungalingan!”