Magandang Balita Biblia Revisi

Job 2:1-8 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Muling humarap kay Yahweh ang mga anak ng Diyos, at naroon din si Satanas.

2. Tinanong ni Yahweh si Satanas, ang Tagapagparatang. “Saan ka nanggaling?”Sumagot si Satanas, “Nagpapabalik-balik at naglilibot ako sa buong daigdig.”

3. “Napansin mo ba ang lingkod kong si Job?” tanong ni Yahweh. “Wala siyang katulad sa daigdig. Mabuti siyang tao, sumasamba sa akin, at umiiwas sa masamang gawain. Hinimok mo akong pinsalain siya kahit walang sapat na dahilan, subalit nananatili pa rin siyang tapat sa akin,” sabi pa ni Yahweh.

4. Sumagot si Satanas, “Kahit anong bagay ay ibibigay ng tao, huwag lamang siyang mamatay.

5. Subukin ninyong saktan ang kanyang katawan at sigurado kong susumpain niya kayo nang harap-harapan!”

6. Sinabi ni Yahweh, “Kung gayon, gawin mo ang gusto mong gawin sa kanya, huwag mo lamang siyang papatayin.”

7. Kaya umalis si Satanas sa harapan ni Yahweh at tinadtad ng nagnanaknak na sugat ang buo nitong katawan mula ulo hanggang talampakan.

8. Naupo si Job sa tabi ng basurahan at kinamot niya ng isang pirasong basag na palayok ang kanyang mga sugat.