Magandang Balita Biblia Revisi

Job 1:10-19 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

10. Inaalagaan ninyo siya, ang kanyang pamilya at ang lahat ng ari-arian niya. Pinagpapala ninyo ang lahat ng kanyang gawin, at halos punuin ninyo ng kanyang kayamanan ang buong lupain.

11. Subukan ninyong alisin ang lahat-lahat sa buhay niya at harap-harapan niya kayong susumpain.”

12. Sinabi ni Yahweh kay Satanas, “Kung gayon, gawin mo nang lahat ang gusto mong gawin sa kanya, huwag mo lamang siyang sasaktan.” At umalis si Satanas sa harapan ni Yahweh.

13. Isang araw, nagkakainan at nag-iinuman ang mga anak ni Job sa bahay ng kanilang panganay na kapatid na lalaki.

14. Walang anu-ano'y dumating kay Job ang isa niyang tauhan. Sinabi nito, “Kasalukuyan po naming pinang-aararo ang mga baka at nanginginain naman ang mga asno,

15. nang may dumating na mga Sabeo. Kinuha po nila ang mga baka at mga asno at pinatay pa po ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas upang magbalita sa inyo.”

16. Hindi pa ito nakakatapos sa pagbabalita nang may dumating na namang isa. Sinabi naman nito kay Job, “Tinamaan po ng kidlat ang mga tupa at mga pastol at namatay lahat; ako lang po ang nakaligtas upang magbalita sa inyo.”

17. Hindi pa ito halos tapos magsalita nang may isa na namang dumating. Ang sabi nito, “Sinalakay po kami ng tatlong pangkat ng mga Caldeo. Kinuha nila ang lahat ng kamelyo at pinatay ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas upang magbalita sa inyo.”

18. Hindi pa rin ito halos tapos magsalita nang may dumating na namang isa at nagsabi, “Habang ang mga anak po ninyo ay nagkakainan at nag-iinuman sa bahay ng panganay nilang kapatid,

19. hinampas po ng napakalakas na hangin ang bahay at bumagsak. Nabagsakan po sila at namatay lahat. Ako lang po ang natirang buháy upang magbalita sa inyo.”