Magandang Balita Biblia Revisi

Isaias 37:11-19 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

11. Alam ninyo ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa ibang mga bansa; winasak silang lahat, kayo pa kaya!

12. Hindi nailigtas ng mga diyos ang mga bansang winasak ng aming mga magulang. Nariyan ang Gozan, Caran, at Resef; nariyan din ang mga taga-Eden na nasa Telasar. Nailigtas ba sila ng mga ito?

13. At nasaan ang hari ng Hamat, ng Arpad, ang hari ng lunsod ng Sefarvaim, ng Hena at ng Iva?”

14. Kinuha ni Hezekias ang sulat na dala ng mga sugo, at pagkatapos basahin ay pumasok sa Templo. Isinangguni niya ito kay Yahweh,

15. at siya'y nanalangin.

16. “O Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, Diyos ng Israel, lumikha ng langit at lupa. Ang inyong trono'y nasa ibabaw ng mga kerubin. Kayo lamang ang Diyos ng lahat ng kaharian sa lupa.

17. Masdan ninyo ang aming kalagayan, at lingapin ninyo kami. Narito ang liham ni Senaquerib na lumalapastangan sa inyo, ang buháy na Diyos.

18. Tunay nga, O Yahweh, na winasak ng mga hari ng Asiria ang lahat ng bansa.

19. Sinunog nila ang diyos ng mga ito, sapagkat ang diyos nila'y hindi tunay; mga bato at kahoy lamang na gawa ng mga tao.