Magandang Balita Biblia Revisi

Hagai 2:9-18 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

9. Dahil dito, ang bagong Templo ay magiging higit na maganda kaysa doon sa nauna, at sa bagong Templong ito ay mahahayag ang kasaganaan at katiwasayang ipagkakaloob ko sa aking sambayanan.” Ganito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.

10. Noong ikadalawampu't apat na araw ng ikasiyam na buwan ng ikalawang taon ng paghahari ni Dario sa Persia, muling nagpahayag kay Hagai si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.

11. Sinabi ni Yahweh sa kanya na itanong sa mga pari kung ano ang pasya ng mga ito ukol sa ganitong usapin:

12. “Halimbawa'y may dumampot ng isang piraso ng karneng itinalaga mula sa handog na inialay sa altar at ito'y binalot niya sa kanyang damit. Magiging banal din kaya ang mga pagkaing masaling ng kanyang damit tulad ng tinapay, ulam, alak, langis ng olibo, at iba pang pagkain?” Ang sagot ng mga pari ay “Hindi.”

13. Muling nagtanong si Hagai, “Halimbawa'y naging marumi ang isang tao dahil humipo sa bangkay. Magiging marumi rin ba ang anumang pagkaing masaling niya?” “Oo,” ang sagot ng mga pari.

14. Kaugnay nito, sinabi ni Hagai, “Ganito rin ang kalagayan ng mga tao sa bansang ito sa harapan ni Yahweh, pati na ang bunga ng kanilang mga gawain. Kaya nga't ang lahat ng handog nila sa altar ay marurumi.”

15. Sinabi rin ni Yahweh, “Pag-isipan ninyong mabuti ang mga pangyayaring magaganap sa inyong buhay mula sa araw na ito. Noong hindi pa ninyo nasisimulang gawing muli ang Templo,

16. inaasahan ninyong ang isang buntong trigo ay 200 kilo ngunit iyon pala ay sandaan lamang. Akala ninyo'y sandaang litrong alak ang masasalok sa imbakan ngunit iyon pala'y apatnapu lamang.

17. Sinalanta ko ang inyong mga pananim sa pamamagitan ng mainit na hangin, amag, at pag-ulan ng yelo, gayunma'y hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin.

18. Ngayon ay ikadalawampu't apat na araw ng ikasiyam na buwan at ito ang araw na natapos ang pundasyon ng Templo. Bantayan ninyo ang mga susunod na pangyayari.