Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 9:11-19 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

11. Ito ang aking pakikipagtipan sa inyo: Kailanma'y hindi ko na lilipulin sa pamamagitan ng baha ang lahat ng may buhay. Wala nang baha na gugunaw sa daigdig.”

12. Sinabi pa ng Diyos, “Ito ang magiging palatandaan ng walang hanggang tipan na ginagawa ko sa inyo at sa lahat ng hayop:

13. Palilitawin ko sa mga ulap ang aking bahaghari, at iyan ang magiging tanda ng aking pakikipagtipan sa inyo.

14. Tuwing magkakaroon ng ulap at lilitaw ang bahaghari,

15. aalalahanin ko ang aking pangako sa inyo at sa lahat ng hayop. Hindi ko na lilipulin sa baha ang lahat ng may buhay.

16. Tuwing lilitaw ang bahaghari, maaalala ko ang walang hanggang tipan na ginawa ko sa inyo at sa lahat ng may buhay sa balat ng lupa.”

17. At sinabi ng Diyos kay Noe, “Ito ang tanda ng aking pangako sa lahat ng nabubuhay sa lupa.”

18. Ang mga anak ni Noe na kasama niyang lumabas sa barko ay sina Shem, Jafet at Ham na ama ni Canaan.

19. Ang tatlong ito ang pinagmulan ng lahat ng tao sa daigdig.