Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 7:4-16 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

4. Pagkaraan ng isang linggo, pauulanin ko nang apatnapung araw at apatnapung gabi upang lipulin ang lahat ng aking nilikha sa daigdig.”

5. At ginawa nga ni Noe ang bawat iniutos ni Yahweh.

6. Si Noe ay 600 taon nang bumaha sa daigdig.

7. Pumasok nga siya sa malaking barko kasama ang kanyang asawa, mga anak, at mga manugang upang maligtas sa baha.

8. Sa bawat uri ng hayop, malinis o hindi, sa bawat uri ng ibon at maliliit na hayop,

9. ay nagsama siya sa barko ayon sa utos ng Diyos.

10. Pagkaraan ng pitong araw, bumaha nga sa buong daigdig.

11. Si Noe ay 600 taóng gulang na noon. Noong ikalabimpitong araw ng ikalawang buwan, nabuksan ang lahat ng bukal sa ilalim ng lupa. Nabuksan din ang mga bintana ng langit.

12. Bumuhos ang ulan sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi.

13. Pumasok noon sa barko si Noe at ang kanyang asawa, kasama ang kanilang tatlong anak na lalaki na sina Shem, Ham at Jafet at ang kani-kanilang asawa.

14. Pinapasok din niya ang bawat uri ng hayop—mailap at maamo, lumalakad at gumagapang sa lupa, at bawat uri ng ibon.

15. Isang lalaki at isang babae ng bawat may buhay ang isinama ni Noe,

16. ayon sa utos ng Diyos. Pagkatapos, isinara ni Yahweh ang pinto ng barko.