Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 47:17-31 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

17. At gayon nga ang kanilang ginawa; ipinagpalit nila ang kanilang mga kabayo, tupa, kambing, baka at asno sa pagkaing kinukuha nila. Isang taon silang binibigyan ni Jose ng pagkain bilang kapalit ng mga hayop.

18. Nang sumunod na taon, lumapit na naman sa kanya ang mga tao. Sinabi nila, “Hindi namin maikakaila sa inyong kamahalan na ngayo'y ubos na ang lahat naming salapi at mga alagang hayop. Wala na pong nalalabi sa amin kundi ang aming katawan at bukirin.

19. “Kaya, tulungan naman ninyo kami; huwag ninyo kaming hayaang mamatay sa gutom at mapabayaan ang aming lupain. Bigyan ninyo kami ng makakain at binhing pananim nang kami'y huwag mamatay. Payag na po kaming maging alipin ng Faraon at ibenta sa kanya ang aming lupain.”

20. Nangyari nga ito, kaya't nakuha ni Jose para sa Faraon ang lahat ng lupain ng mga taga-Egipto dahil sa tindi ng taggutom noon.

21. Ang lahat ng tao sa Egipto ay ginawa ni Jose na mga alipin ng Faraon.

22. Ang hindi lamang nabili ni Jose ay ang lupain ng mga pari, sapagkat ang mga ito ay may sapat na sustento ng Faraon.

23. Sinabi ni Jose sa mga tao, “Ngayo'y nabili ko na kayo at ang inyong mga lupain para sa Faraon. Bibigyan ko kayo ng binhing itatanim.

24. Ibibigay ninyo sa Faraon ang ikalimang bahagi ng inyong aanihin. Inyo na ang nalalabi para muling itanim at maging pagkain ng inyong pamilya.”

25. Sumagot ang mga tao, “Napakabuti ninyo sa amin; iniligtas ninyo kami. Handa po kaming maglingkod sa Faraon.”

26. Mula noon, ginawang batas ni Jose sa lupain ng Egipto na ang ikalimang bahagi ng ani ay para sa Faraon. Umiiral pa hanggang ngayon ang batas na ito maliban sa lupa ng mga pari, sapagkat ito'y hindi saklaw ng Faraon.

27. Nanirahan nga ang mga Israelita sa lupain ng Goshen sa Egipto. Yumaman sila roon at dumami ang kanilang lahi.

28. Labimpitong taóng tumira roon si Jacob at umabot siya ng 147 taon.

29. Nang maramdaman niyang malapit na siyang mamatay, tinawag niya si Jose at sinabi, “Ilagay mo sa pagitan ng aking mga hita ang iyong kamay at ipangako mong magiging tapat ka sa akin, at hindi mo ako ililibing sa Egipto.

30. Ilabas mo ako sa Egipto at isama mo ako sa libingan ng aking mga magulang.”“Masusunod po ang nais ninyo,” sagot ni Jose.

31. Sinabi ni Jacob, “Kung gayon, sumumpa ka sa akin.” Nanumpa nga si Jose, at si Jacob ay yumuko sa may ulunan ng higaan at nanalangin.