Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 45:9-22 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

9. Sinabi pa ni Jose, “Bumalik kayo agad sa ating ama at ibalita ninyo na ako ang pinapamahala ng Diyos sa buong Egipto. Sabihin ninyong pumarito agad siya sa lalong madaling panahon.

10. Doon siya titira sa lupain ng Goshen para mapalapit sa akin. Ang lahat niyang mga anak, mga apo, mga tupa, kambing, baka at lahat ng inyong ari-arian ay kanyang dalhin.

11. Doo'y mapangangalagaan ko kayo. Limang taon pa ang taggutom, at hindi ko gustong makita ang sinuman sa inyo na naghihirap.

12. Kitang-kita ninyo ngayon, pati ikaw, Benjamin, na ako talaga si Jose.

13. Ibalita ninyo sa ating ama ang taglay kong kapangyarihan dito sa Egipto, at ikuwento ninyo ang lahat ng inyong nakita. Hihintayin ko siya sa lalong madaling panahon.”

14. Umiiyak niyang niyakap si Benjamin, at ito nama'y umiiyak ding yumakap kay Jose.

15. Patuloy siyang umiiyak habang isa-isang hinahagkan ang ibang kapatid.

16. Nakarating sa palasyo ang balita na ang mga kapatid ni Jose ay dumating. Ikinatuwa ito ng Faraon at ng kanyang mga kagawad.

17. Sinabi ng Faraon kay Jose, “Pakargahan mo ng pagkain ang mga hayop ng iyong mga kapatid, at pabalikin mo sila sa Canaan.

18. Sabihin mong dalhin dito ang inyong ama at ang buong sambahayan nila. Ibibigay ko sa kanila ang pinakamatabang lupain upang malasap nila ang masaganang pamumuhay rito.

19. Sabihin mo ring magdala sila ng mga karwahe para magamit ng kani-kanilang asawa at mga anak paglipat sa Egipto.

20. Huwag na nilang panghinayangang iwanan ang kanilang ari-arian doon, sapagkat ang pinakamabuting lupain dito ang ibibigay ko sa kanila.”

21. Sinunod ng mga anak ni Israel ang utos na ito. Binigyan sila ni Jose ng mga sasakyan, gaya ng utos ng Faraon, at pinadalhan din ng pagkain sa kanilang paglalakbay.

22. Ang bawat isa'y binigyan ng tig-iisang bihisan, maliban kay Benjamin. Lima ang kanyang bihisan at pinadalhan pa ng tatlong daang pirasong pilak.