Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 45:16-28 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

16. Nakarating sa palasyo ang balita na ang mga kapatid ni Jose ay dumating. Ikinatuwa ito ng Faraon at ng kanyang mga kagawad.

17. Sinabi ng Faraon kay Jose, “Pakargahan mo ng pagkain ang mga hayop ng iyong mga kapatid, at pabalikin mo sila sa Canaan.

18. Sabihin mong dalhin dito ang inyong ama at ang buong sambahayan nila. Ibibigay ko sa kanila ang pinakamatabang lupain upang malasap nila ang masaganang pamumuhay rito.

19. Sabihin mo ring magdala sila ng mga karwahe para magamit ng kani-kanilang asawa at mga anak paglipat sa Egipto.

20. Huwag na nilang panghinayangang iwanan ang kanilang ari-arian doon, sapagkat ang pinakamabuting lupain dito ang ibibigay ko sa kanila.”

21. Sinunod ng mga anak ni Israel ang utos na ito. Binigyan sila ni Jose ng mga sasakyan, gaya ng utos ng Faraon, at pinadalhan din ng pagkain sa kanilang paglalakbay.

22. Ang bawat isa'y binigyan ng tig-iisang bihisan, maliban kay Benjamin. Lima ang kanyang bihisan at pinadalhan pa ng tatlong daang pirasong pilak.

23. Pinadalhan niya ang kanyang ama ng pinakamabuting produkto ng Egipto, karga ng sampung asno. Sampung asno rin ang may kargang trigo, tinapay at iba't ibang pagkain upang may baon ang kanilang ama sa paglalakbay.

24. Inutusan ni Jose na lumakad na ang kanyang mga kapatid ngunit bago umalis ay sinabi sa kanila, “Huwag na kayong magtatalu-talo sa daan.”

25. Umalis nga sila sa Egipto at umuwi sa Canaan.

26. Pagdating doo'y sinabi nila kay Jacob, “Ama, buháy pa po si Jose! Siya ngayon ang namamahala sa buong Egipto!” Natigilan si Jacob, at halos hindi siya makapaniwala sa balitang ito.

27. Ngunit nang maisalaysay sa kanya ang bilin ni Jose at makita ang mga karwaheng ipinadala ni Jose, sumigla ang kanyang kalooban.

28. “Salamat sa Diyos!” sabi ni Jacob. “Buháy pa pala ang aking anak! Pupuntahan ko siya bago ako mamatay.”