Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 44:18-31 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

18. Lumapit si Juda kay Jose at ang sabi, “Nakikiusap po ako, ginoo, kung inyong mamarapatin. Huwag sana ninyong ikagagalit. Ang turing ko sa inyo'y para na kayong Faraon.

19. Ginoo, tinanong ninyo kung mayroon pa kaming ama at kapatid.

20. Ang sabi po nami'y may ama kaming matanda na at bunsong kapatid na anak niya sa katandaan. Patay na ang kapatid nito at siya na lamang ang buháy na anak ng kanyang ina, kaya mahal na mahal siya ng aming ama.

21. Iniutos ninyong dalhin namin siya rito upang inyong makita.

22. Ipinaliwanag po naming mahirap ilayo sa aming ama ang bata sapagkat maaaring ikamatay niya ito.

23. Ngunit ang sabi naman ninyo'y hindi na ninyo kami tatanggapin dito kung hindi namin siya maihaharap sa inyo.

24. “Ang lahat ng ito'y sinabi namin sa aming ama nang umuwi kami.

25. Muli kaming inutusan ng aming ama na pumarito upang bumili ng kaunting pagkain.

26. Ipinaalala namin sa kanya na hindi ninyo kami tatanggapin kung hindi kasama ang bunso naming kapatid.

27. Sinabi po niya sa amin, ‘Alam naman ninyong dalawa lamang ang anak ng kanilang ina.

28. Wala na ang isa; maaaring siya'y niluray ng mabangis na hayop.

29. At kung ang natitira ay isasama pa ninyo, maaaring mamatay ako sa dalamhati.’

30. “Ang buhay po ng aming ama ay karugtong na ng buhay ng bata, kaya kung babalik kami na hindi ito kasama,

31. tiyak na siya'y mamamatay. Kapag nakita niyang hindi namin kasama ang bata, malalagutan siya ng hininga dahil sa kalungkutan.