Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 42:9-25 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

9. Naalala niya ang kanyang mga panaginip tungkol sa kanila, kaya't sinabi niya, “Kayo'y mga espiya, at naparito kayo upang makita ang kahinaan ng aming bansa, hindi ba?”

10. “Hindi po! Kami pong mga lingkod ninyo'y bumibili lamang ng pagkain.

11. Magkakapatid po kami, at kami'y mga taong tapat. Hindi po kami mga espiya.”

12. “Hindi ako naniniwala,” sabi ni Jose. “Naparito kayo upang alamin ang kahinaan ng aming bansa!”

13. Kaya't nagmakaawa sila, “Ginoo, kami po'y labindalawang magkakapatid; nasa Canaan po ang aming ama. Pinaiwan po ang bunso naming kapatid; ang isa po nama'y patay na.”

14. Sinabi ni Jose, “Tulad ng sinabi ko, kayo'y mga espiya!

15. At isinusumpa ko sa ngalan ng Faraon, hindi kayo makakaalis hanggang hindi ninyo dinadala rito ang inyong bunsong kapatid.

16. Umuwi ang isa sa inyo at kunin siya; ang iba'y ikukulong dito hanggang hindi ninyo napatutunayan ang inyong sinasabi. Kung hindi, mga espiya nga kayo!”

17. Tatlong araw niyang ikinulong ang kanyang mga kapatid.

18. Pagsapit ng ikatlong araw, sinabi ni Jose sa kanila, “Ako'y may takot sa Diyos; bibigyan ko kayo ng pagkakataong mabuhay kung gagawin ninyo ito:

19. Kung talagang nagsasabi kayo ng totoo, isa lamang sa inyo ang ibibilanggo; ang iba'y makakaalis na at maaari nang iuwi ang pagkaing binili ninyo para sa inyong mga pamilya.

20. Ngunit pagbalik ninyo'y kailangang isama ninyo ang bunso ninyong kapatid. Dito ko malalaman na kayo'y nagsasabi ng totoo, at hindi kayo mamamatay.” Sumang-ayon ang lahat.

21. Pagkatapos, ang sabi nila sa isa't isa, “Nagbabayad na tayo ngayon sa ginawa natin sa ating kapatid. Nakikita natin ang paghihirap ng kanyang kalooban noon ngunit hindi natin pinansin ang kanyang pagmamakaawa. Kaya tayo naman ngayon ang nasa kagipitan.”

22. “Iyan na nga ba ang sinasabi ko,” sabi ni Ruben. “Nakiusap ako sa inyong huwag saktan ang bata, ngunit hindi kayo nakinig; ngayon, pinagbabayad tayo sa kanyang kamatayan.”

23. Hindi nila alam na nauunawaan ni Jose ang kanilang usapan, sapagkat gumagamit pa ito ng tagasalin sa wika kapag humaharap sa kanila.

24. Iniwan muna sila ni Jose dahil sa hindi na niya mapigil ang pag-iyak. Nang panatag na ang kanyang kalooban, bumalik siya at ibinukod si Simeon. Ipinagapos niya ito sa harapan nila.

25. Iniutos ni Jose na punuin ng trigo ang kanilang mga sako at ilagay doon ang salaping ibinayad nila. Pinabigyan pa sila ng makakain sa kanilang paglalakbay. Nasunod lahat ang utos ni Jose.