Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 42:14-28 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

14. Sinabi ni Jose, “Tulad ng sinabi ko, kayo'y mga espiya!

15. At isinusumpa ko sa ngalan ng Faraon, hindi kayo makakaalis hanggang hindi ninyo dinadala rito ang inyong bunsong kapatid.

16. Umuwi ang isa sa inyo at kunin siya; ang iba'y ikukulong dito hanggang hindi ninyo napatutunayan ang inyong sinasabi. Kung hindi, mga espiya nga kayo!”

17. Tatlong araw niyang ikinulong ang kanyang mga kapatid.

18. Pagsapit ng ikatlong araw, sinabi ni Jose sa kanila, “Ako'y may takot sa Diyos; bibigyan ko kayo ng pagkakataong mabuhay kung gagawin ninyo ito:

19. Kung talagang nagsasabi kayo ng totoo, isa lamang sa inyo ang ibibilanggo; ang iba'y makakaalis na at maaari nang iuwi ang pagkaing binili ninyo para sa inyong mga pamilya.

20. Ngunit pagbalik ninyo'y kailangang isama ninyo ang bunso ninyong kapatid. Dito ko malalaman na kayo'y nagsasabi ng totoo, at hindi kayo mamamatay.” Sumang-ayon ang lahat.

21. Pagkatapos, ang sabi nila sa isa't isa, “Nagbabayad na tayo ngayon sa ginawa natin sa ating kapatid. Nakikita natin ang paghihirap ng kanyang kalooban noon ngunit hindi natin pinansin ang kanyang pagmamakaawa. Kaya tayo naman ngayon ang nasa kagipitan.”

22. “Iyan na nga ba ang sinasabi ko,” sabi ni Ruben. “Nakiusap ako sa inyong huwag saktan ang bata, ngunit hindi kayo nakinig; ngayon, pinagbabayad tayo sa kanyang kamatayan.”

23. Hindi nila alam na nauunawaan ni Jose ang kanilang usapan, sapagkat gumagamit pa ito ng tagasalin sa wika kapag humaharap sa kanila.

24. Iniwan muna sila ni Jose dahil sa hindi na niya mapigil ang pag-iyak. Nang panatag na ang kanyang kalooban, bumalik siya at ibinukod si Simeon. Ipinagapos niya ito sa harapan nila.

25. Iniutos ni Jose na punuin ng trigo ang kanilang mga sako at ilagay doon ang salaping ibinayad nila. Pinabigyan pa sila ng makakain sa kanilang paglalakbay. Nasunod lahat ang utos ni Jose.

26. Ikinarga ng magkakapatid sa mga asno ang kanilang biniling pagkain, at sila'y umalis.

27. Pagsapit ng gabi, tumigil sila upang magpahinga. Binuksan ng isa ang kanyang sako upang pakainin ang asno niya at nakita ang salapi sa loob ng sako.

28. Napasigaw ito, “Ibinalik sa akin ang aking salapi! Heto sa aking sako!”Nanginig sila sa takot at nagtanong sa isa't isa, “Ano ang ginawang ito sa atin ng Diyos?”