Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 42:1-14 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Nang mabalitaan ni Jacob na maraming pagkain sa Egipto, sinabi niya sa kanyang mga anak na lalaki, “Ano pang hinihintay ninyo?

2. Pumunta kayo sa Egipto at bumili agad ng pagkain upang hindi tayo mamatay sa gutom. Balita ko'y maraming pagkain doon.”

3. Pumunta nga sa Egipto ang sampung kapatid ni Jose upang bumili ng pagkain.

4. Si Benjamin, ang tunay na kapatid ni Jose, ay hindi na pinasama ni Jacob sa takot na may masamang mangyari sa kanya.

5. Kasama ng ibang taga-Canaan, lumakad ang mga anak ni Jacob upang bumili ng pagkain sapagkat laganap na ang taggutom sa buong Canaan.

6. Bilang gobernador ng Egipto, si Jose ang nagbebenta ng pagkain sa mga tao, kaya't sa kanya pumunta ang kanyang mga kapatid. Paglapit ng mga ito, sila'y yumukod sa kanyang harapan.

7. Nakilala agad ni Jose ang mga kapatid niya, ngunit hindi siya nagpahalata. “Tagasaan kayo?” mabagsik niyang tanong.“Taga-Canaan po. Naparito po kami upang bumili ng pagkain,” tugon nila.

8. Nakilala nga ni Jose ang kanyang mga kapatid ngunit hindi siya namukhaan ng mga ito.

9. Naalala niya ang kanyang mga panaginip tungkol sa kanila, kaya't sinabi niya, “Kayo'y mga espiya, at naparito kayo upang makita ang kahinaan ng aming bansa, hindi ba?”

10. “Hindi po! Kami pong mga lingkod ninyo'y bumibili lamang ng pagkain.

11. Magkakapatid po kami, at kami'y mga taong tapat. Hindi po kami mga espiya.”

12. “Hindi ako naniniwala,” sabi ni Jose. “Naparito kayo upang alamin ang kahinaan ng aming bansa!”

13. Kaya't nagmakaawa sila, “Ginoo, kami po'y labindalawang magkakapatid; nasa Canaan po ang aming ama. Pinaiwan po ang bunso naming kapatid; ang isa po nama'y patay na.”

14. Sinabi ni Jose, “Tulad ng sinabi ko, kayo'y mga espiya!