Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 35:4-17 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

4. Ibinigay nila kay Jacob ang kanilang mga diyus-diyosan at ang suot nilang mga hikaw. Ang lahat ng ito'y ibinaon ni Jacob sa tabi ng malaking punong malapit sa Shekem.

5. Ang mga tao sa mga karatig-bayan ay natakot kay Jacob at sa kanyang mga anak na lalaki, kaya't walang nangahas humabol sa kanila nang sila'y umalis.

6. Nang dumating sila sa Luz, sa lupain ng Canaan,

7. gumawa siya ng altar at tinawag niyang El-Bethel ang lugar na iyon, sapagkat doon nagpakita sa kanya ang Diyos nang siya'y tumakas mula sa kanyang kapatid.

8. Namatay si Debora, ang nag-alaga kay Rebeca, at inilibing sa tabi ng malaking puno sa gawing timog ng Bethel. At ang dakong iyo'y tinawag na “Roble ng Pagluha.”

9. Pagbalik ni Jacob mula sa Mesopotamia, muling nagpakita sa kanya ang Diyos at siya'y binasbasan,

10. “Jacob ang pangalan mo, ngunit mula ngayon, Israel na ang itatawag sa iyo.”

11. Sinabi pa sa kanya, “Ako ang Makapangyarihang Diyos; magkakaroon ka ng maraming anak. Darami ang iyong mga lahi at sa kanila'y may mga magiging hari. Magmumula sa lahi mo ang maraming bansa.

12. Ang mga lupaing aking ipinangako kay Abraham at kay Isaac ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong mga anak.”

13. At iniwan siya ng Diyos.

14. Naglagay si Jacob ng batong palatandaan sa lugar na pinagtagpuan nila. Binuhusan niya ito ng langis at alak bilang tanda na ito'y ukol sa Diyos.

15. Tinawag niyang Bethel ang lugar na iyon.

16. Umalis sila sa Bethel. Nang sila'y malapit na sa Efrata, naramdaman ni Raquel na manganganak na siya at napakatindi ng kanyang hirap.

17. Sinabi sa kanya ng hilot, “Huwag kang matakot, lalaki na naman ang isisilang mo.”