Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 34:9-28 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

9. Magkaisa na tayo! Hayaan nating mapangasawa ng aming mga binata ang inyong mga dalaga, at ng aming mga dalaga ang inyong mga binata.

10. Sa gayo'y maaari na kayong manatili dito sa aming lupain. Maaari kayong tumira kung saan ninyo gusto; maaari kayong maghanapbuhay at magkaroon ng ari-arian.”

11. Nakiusap ding mabuti si Shekem sa ama at mga kapatid ni Dina. Sinabi niya, “Pagbigyan na po ninyo ang aking hangarin, at humiling naman kayo ng kahit anong gusto ninyo.

12. Sabihin po ninyo kung ano ang dote na dapat kong ibigay at kung magkano pa ang kailangan kong ipagkaloob sa inyo, makasal lamang kami.”

13. Dahil sa paglapastangan kay Dina, mapanlinlang ang pagsagot ng mga anak na lalaki ni Jacob sa mag-amang Hamor at Shekem.

14. Sinabi nila, “Malaking kahihiyan namin kung hindi tuli ang mapapangasawa ng aming kapatid.

15. Papayag lamang kami kung ikaw at ang lahat ng mga lalaking nasasakupan ninyo ay magpapatuli.

16. Pagkatapos, maaari na ninyong mapangasawa ang aming mga dalaga at ang inyo nama'y mapapangasawa namin. Magiging magkababayan na tayo at mamumuhay tayong magkakasama.

17. Kung di kayo sasang-ayon, isasama na namin si Dina at aalis na kami.”

18. Pumayag naman ang mag-amang Hamor at Shekem.

19. Hindi na sila nag-aksaya ng panahon sapagkat napakalaki ng pag-ibig ni Shekem kay Dina. Si Shekem ay iginagalang ng lahat sa kanilang sambahayan.

20. Sa may pintuan ng lunsod, tinipon ng mag-ama ang lahat ng lalaki sa Shekem. Sinabi nila,

21. “Napakabuting makisama ng mga dayuhang dumating dito sa atin. Dito na natin sila patirahin, maluwang din lamang ang ating lupain. Pakasalan natin ang kanilang mga dalaga at sila nama'y gayon din.

22. Ngunit mangyayari lamang ito kung ang ating mga kalalakihan ay patutuli na tulad nila.

23. Sa gayon, ang kanilang ari-arian, mga kawan at bakahan ay mapapasaatin. Sumang-ayon na tayong mamuhay silang kasama natin.”

24. Sumang-ayon naman sa panukalang ito ang mga lalaki, at silang lahat ay nagpatuli.

25. Nang ikatlong araw na matindi pa ang kirot ng sugat ng mga tinuli, kinuha nina Simeon at Levi na mga kapatid ni Dina, ang kanilang tabak at pinagpapatay ang mga lalaki roon na walang kamalay-malay.

26. Pinatay nila pati ang mag-amang Hamor at Shekem, at itinakas si Dina.

27. Pagkatapos ng pagpatay sinamsam naman ng ibang mga anak ni Jacob ang mahahalagang ari-arian doon. Ginawa nila ito dahil sa panghahalay sa kanilang kapatid na babae.

28. Sinamsam nila pati mga kawan, mga baka, mga asno at lahat ng mapapakinabangan sa bayan at sa bukid.